
Pangungunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang pagpapasinaya sa brain and spine center ng Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City.
Kaugnay nito, inihayag ni USEC Glenn Mathew Baggao ng Department of Health na isang makasaysayang hakbang para sa healthcare system ng Northern Luzon ang pagpapasinaya ng Brain and Spine Center at groundbreaking ceremony ng Heart, Lung, Renal Care and Kidney Transplant Center ng CVMC.
Ayon kay Baggao, malaking tulong ang mga bagong pasilidad upang mailapit ang specialized healthcare services sa mga mamamayan ng Region 2 na may mahigit 3.7 milyong populasyon mula sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, at Batanes.
Aniya, sa loob ng maraming taon ay kinakailangan pang bumiyahe ng mga pasyenteng nangangailangan ng specialized neurological, cardiovascular, pulmonary at renal services patungong Metro Manila upang makapagpagamot.
Sinabi rin ni Baggao na malaking ginhawa para sa mga pamilya ang pagkakaroon ng mga specialized center sa rehiyon dahil mababawasan ang gastusin at hirap sa pagbiyahe ng mga pasyente.
Inaasahang mapapalakas ng Brain and Spine Center ang kakayahan ng CVMC sa pamamahala ng stroke, trauma, neurosurgical emergencies at iba pang komplikadong neurological conditions.
Samantala, tutugon naman ang Heart, Lung, Renal Care and Kidney Transplant Center sa tumataas na kaso ng cardiovascular disease, chronic kidney disease, at pulmonary illnesses sa Northern Luzon.
Pinuri rin ni Baggao ang kasalukuyang pamunuan ng CVMC sa pangunguna ni Dr. Cherry Lou Antonio dahil sa patuloy na pagsusulong ng inobasyon, kahusayan at maayos na serbisyong pampubliko sa ospital.
Nagpasalamat din siya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa patuloy na suporta ng pambansang pamahalaan sa pagpapalakas ng regional hospitals at pagpapalapit ng specialized healthcare services sa mga Pilipino.
Dagdag pa ni Baggao, ang tunay na sukatan ng isang ospital ay hindi lamang nakabatay sa mga gusali at kagamitan kundi sa mga buhay na naililigtas, pag-asang naibabalik at komunidad na natutulungan nito.
Nabatid na nagkakahalaga ng 2oo hanggang 250 million ang istruktura ng brain and spine center habang ang heart, lung, renal care and kidney center ay may kabuuang 500 million ang kakailanganing para sa konstruksiyon










