Nakapagtala ng record-breaking na 16.1 litro ng breastmilk ang mahigit isang daang nagpapasusong ina mula sa iba’t ibang barangay sa Gattaran, Cagayan, sa isinagawang Milk-Letting and Health Education Drive nitong Oktubre 20, 2026.

Umabot sa 16,148 milliliters ang kabuuang donasyon, na pinakamataas na volume na naitala sa isang milk-letting at health education drive na isinagawa ng isang lokal na pamahalaan.

Isinagawa ang aktibidad sa ilalim ng Project AHON o Action for Health and One Nutrition ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC), sa pamamagitan ng Public Health Unit–Health Education and Promotion Office at Human Milk Bank, katuwang ang lokal na pamahalaan ng Gattaran sa pamamagitan ng Rural Health Unit at Rotary Club of Tuguegarao.

Ito na ang ikaapat na Milk-Letting and Health Education Drive na isinagawa ngayong taon sa ilalim ng naturang proyekto ng nasabing ospital.

Ayon sa CVMC na layunin ng programa na itaguyod ang breastfeeding, hikayatin ang donasyon ng breastmilk at palakasin ang kalusugan ng mga ina at bata sa mga komunidad.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin din ng inisyatiba ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga breastfeeding mothers sa pamamagitan ng pagbabahagi ng breastmilk upang masuportahan ang sapat na nutrisyon at kalusugan ng mga sanggol, lalo na sa unang 1,000 araw ng kanilang buhay.