
Nagbigay ng radio challenge ang Philippine Coast Guard o PCG sa isang barko ng China Coast Guard na namataang nagpapatrolya malapit sa mga baybayin ng Zambales, Pangasinan at mga lalawigan ng Ilocos.
Ayon sa PCG, natukoy ng BRP Malabrigo ang China Coast Guard vessel 5304 habang nagpapatrolya sa paligid ng Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea.
Sa ipinadalang babala, sinabi ng PCG na walang legal na awtoridad ang barko ng China upang magsagawa ng patrol sa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas at inatasan itong itigil ang umano’y iligal na operasyon sa karagatan.
Nagpahayag ng pagkabahala ang PCG matapos umanong tangkaing lumapit ng barko ng China sa mga lalawigang nasa kanlurang bahagi ng Luzon.
Ayon kay Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, tila sinusundan ng naturang barko ang ruta ng tinatawag na nine-dash line na ginagamit ng China sa pag-aangkin ng malaking bahagi ng South China Sea.
Iginiit naman ng China na walang bisa ang 2016 arbitral ruling na nagpawalang-saysay sa malawak nitong pag-aangkin sa karagatan, habang naninindigan ang pamahalaan ng Pilipinas na pinal at may bisa ang naturang desisyon.
Sinabi ng PCG na patuloy nitong hahamunin at idodokumento ang mga aktibidad ng mga barko ng China sa West Philippine Sea upang maipabatid sa international community ang mga umano’y paglabag nito sa international law.
Huling namataan ang China Coast Guard vessel malapit sa Zambales, habang wala na umano sa karagatang sakop ng Pilipinas ang research vessel ng China na naunang na-monitor ng mga awtoridad.










