Inihayag ni Ramil Madriaga, nagpakilala na dating aide ni Vice President Sara Duterte na umano’y nag-utos si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng mga operasyon upang i-sabotahe si dating Senator Antonio Trillanes IV, ngunit nag-atubili umano itong mag-utos ng pagpaslang dahil sa koneksyon ng dating senador sa militar.

Ginawa ni Madriaga ang pahayag habang siya ay tumetestigo sa harap ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment complaint laban kay VP Duterte.

Ayon kay Madriaga, itinalaga siya noon ni Duterte bilang isang counterintelligence agent para sa National Security Council.

Gayunman, nilinaw niyang hindi siya direktang nasa ilalim ng Office of the President o iba pang ahensya ng gobyerno, kundi personal umano siyang kinuha ng dating pangulo.

Dagdag pa niya, nag-alinlangan umano si Duterte na ipapatay si Trillanes dahil sa suporta at koneksyon nito sa Armed Forces of the Philippines.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaang noong 2019, inakusahan ni Duterte si Trillanes na nasa likod ng kumalat na video na nag-uugnay sa kanyang anak na si Rep. Paolo Duterte sa umano’y pagtanggap ng bayad mula sa isang ilegal na drug syndicate—isang paratang na itinanggi ng kampo ng mga Duterte.

Si Trillanes ay kabilang din sa mga nagsampa ng reklamo laban kay Duterte sa International Criminal Court kaugnay ng umano’y crimes against humanity na may kinalaman sa war on drugs noong kanyang panunungkulan.