Pormal nang itinaas ng Pilipinas at New Zealand ang kanilang ugnayan sa antas ng Comprehensive Partnership, kasunod ng pagpupulong nina Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro at New Zealand Foreign Affairs Minister Winston Peters.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), layunin ng bagong kasunduan na palawakin ang kooperasyon ng dalawang bansa sa larangan ng depensa, seguridad, kalakalan, edukasyon, enerhiya, at people-to-people exchanges.

Maghahanda rin ang magkabilang panig ng isang Plan of Action upang ganap na maisakatuparan ang mga napagkasunduang programa.

Kabilang sa mga tinalakay ang pagpapalakas ng military cooperation, pagpapalawak ng kalakalan, pagkilala sa ambag ng mga Pilipino sa New Zealand, at pagpapatuloy ng mga kasunduan sa edukasyon, geothermal energy, at pagkilala sa mga seafarers.

Muling iginiit din ng dalawang bansa ang kahalagahan ng mapayapang pagresolba sa mga sigalot sa Indo-Pacific at sa West Philippine Sea alinsunod sa international law.

-- ADVERTISEMENT --