Mananatili sa Iran ang lahat ng siyam na Pilipinong diplomat sa Philippine Embassy sa Tehran sa kabila ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Israel at Iran, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo Jose De Vega, hindi maaaring pauwiin kahit isa sa mga tauhan ng embahada dahil lahat sila ay “essential” o mahalaga sa operasyon.
Gayunpaman, maaaring pauwiin ang kanilang mga asawa o kaanak.
Patuloy na bukas ang embahada, na kabilang sa iilang dayuhang tanggapan na nananatiling bukas sa Tehran, na inilarawan na ngayong parang “ghost town.”
Tinitingnan ng DFA ang posibilidad ng ligtas na paglikas ng mga Pilipino palabas ng Iran, kabilang na ang pagdaan sa land border papuntang Turkmenistan.
Sa tinatayang 1,200 Pilipino sa Iran—karamihan ay may asawang Iranian—siyam pa lang ang humihiling ng repatriation, ayon kay DFA Assistant Secretary Robert Ferrer.
Nasa Alert Level 3 (boluntaryong repatriation) na ang Iran at Israel.
Ngunit ayon kay Ferrer, wala pang rekomendasyong itaas ito sa sapilitang repatriation dahil nananatiling kalmado ang karamihan ng mga Pilipino sa Tel Aviv at nagtitiwala sa seguridad ng Israel.
Sa mahigit 30,000 Pilipino sa Israel, 191 pa lang ang humihiling ng repatriation, at inaasahang makakauwi ang unang 26 sa susunod na linggo.