
Nagpaalala ang Philippine Embassy sa Kuwait sa mga Pilipino roon na maging alerto at mag-ingat kasunod ng panibagong pag-atake sa Gulf region na kinasasangkutan ng Iran at Estados Unidos.
Hinimok ng embahada ang mga Filipino na sundin ang abiso ng mga awtoridad ng Kuwait, umiwas sa hindi kinakailangang pagbiyahe, at manatiling updated gamit lamang ang mga opisyal na mapagkukunan ng impormasyon.
Pinayuhan din ang mga Pilipino na panatilihing naka-charge ang kanilang mga cellphone at iba pang komunikasyon, gayundin ang pag-iwas sa pagpapakalat ng maling impormasyon kaugnay ng sigalot.
Naglaan ang embahada ng mga hotline para sa mga Pilipinong nangangailangan ng tulong habang nagpapatuloy ang tensyon sa rehiyon.
Samantala, patuloy ang palitan ng pag-atake ng Estados Unidos at Iran matapos bumagsak ang kanilang pansamantalang tigil-putukan. Ilang pasilidad sa Gulf region ang naapektuhan, kabilang ang mga lugar sa Kuwait na iniuugnay sa missile at drone attacks.









