
Umabot sa pinakamataas na antas ang exports ng Pilipinas matapos magtala ng $8.77 bilyon na halaga ng naipadalang produkto sa ibang bansa noong Hunyo 2026, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), mas mataas ito ng 24.1% kumpara sa $7.07 bilyon na naitala noong Hunyo 2025, at pinakamataas na export growth rate sa nakalipas na 12 buwan.
Pangunahing nag-ambag sa paglago ang electronic products na umabot sa $5.25 bilyon o halos 60% ng kabuuang exports, dahil sa tumataas na demand para sa artificial intelligence, Internet of Things, at data center investments.
Mula Enero hanggang Hunyo 2026, umabot naman sa $46.72 bilyon ang kabuuang merchandise exports ng bansa, pinakamataas na first-half export value mula noong 1991.
Nanatiling nangungunang export market ng Pilipinas ang Estados Unidos, kasunod ang Hong Kong, China, Japan, at Singapore.










