Magsusulong ang pamahalaan ng Pilipinas ng “high-quality” investments upang mapalakas ang paglago ng ekonomiya sa gitna ng iba’t ibang hamon tulad ng isyu sa korapsyon sa flood control projects at epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan, ayon sa isang opisyal ng ekonomiya.

Ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Kim Robert de Leon, bibigyang-diin ng administrasyon ang mas maayos na paggastos sa imprastraktura at mas pinatibay na pamamahala sa mga proyekto ng gobyerno.

Paliwanag niya, layunin ng pamahalaan na palakasin ang kalidad ng public investments sa pamamagitan ng mas maayos na project preparation, integrated infrastructure planning, at mas epektibong budget execution.

Kasabay nito, ibinaba ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang growth target ng ekonomiya mula 5.0–6.0% patungong 3.5–4.5% dahil sa mga domestic at external risks.

Kabilang sa mga binanggit na salik ang epekto ng korapsyon sa ilang proyekto at ang patuloy na geopolitical tensions na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng langis at pagbagal ng supply chain.

-- ADVERTISEMENT --

Sa unang quarter ng taon, lumago lamang ang ekonomiya ng 2.8%, mas mababa kumpara sa 5.4% noong nakaraang taon at pinakamahinang antas mula noong pandemya.

Sinabi ng economic managers na patuloy nilang haharapin ang mga hamon sa pamamagitan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga reporma at pagtutok sa kalidad ng mga proyekto ng gobyerno.