Naglabas ng panibagong direktiba at paalala si Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Nicolas Torre III para sa mga pulis na mabibigong pumasa ng dalawang beses sa taunang mandatory physical fitness test ng kanilang hanay.

Ayon kay Police Regional Office III Director at PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo sa isang pulong balitaan sa Kampo, isa sa mga pangunahing prayoridad ngayon ng bagong PNP Chief ang masiguro na pasado at maayos ang resulta ng physical fitness tests upang mapatunayan na fit-to-work ang mga pulis hindi lamang sa pamamagitan ng papeles kundi maging sa aktwal na kondisyon ng kanilang katawan.

Ipinaliwanag ni Fajardo na kapag dalawang beses nabigong pumasa sa naturang pagsusulit ang isang pulis, hindi na ito papayagang sumailalim pa sa re-training at hindi na rin maisasama sa mga isinasalang para sa promosyon.

Bahagi ito ng layunin ng pagsusulit na matiyak na nasa maayos na pisikal na kondisyon ang mga miyembro ng kapulisan upang magampanan nila ng epektibo ang kanilang mga tungkulin sa operasyon at iba pang aktibidad ng organisasyon.

Dagdag pa ni Fajardo, kinokonsidera na rin ngayon ng bagong liderato ang tamang pangangatawan ng mga pulis, kung saan dapat ay akma ito sa kanilang edad, tangkad, at bigat upang masigurong handa silang tumugon sa anumang hamon ng serbisyo.

-- ADVERTISEMENT --