Iginiit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi kailanman aatras ang mga barko ng bansa sa gitna ng tensiyon matapos ang panibagong insidente ng pagpapaputok ng water cannon ng Chinese vessel sa barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Ayon sa Pangulo, ang Philippine Coast Guard (PCG) ay patuloy na gumaganap ng tungkulin nito sa pagtatanggol sa karapatan at kalayaan ng mga Pilipino sa karagatang sakop ng bansa.

Kaugnay ito ng pagtarget ng water cannon sa BRP Suluan habang isinasagawa ang misyon para tulungan ang mga mangingisdang Pilipino sa Bajo de Masinloc.

Bagamat muntik nang tamaan, matagumpay na naiwasan ito ng PCG crew dahil sa kanilang kahusayan sa pagmamaniobra ng barko.

Kasama rin sa misyon ang BRP Teresa Magbanua at MV Pamamalakaya, bilang bahagi ng programang “Kadiwa Para sa Bagong Bayaning Mangingisda (KBBM).”

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Marcos na patuloy ang pagtaas ng tensiyon sa rehiyon, lalo na matapos siyang akusahan ng China na “nagpapakulo ng apoy” kaugnay ng kaniyang mga pahayag tungkol sa posibleng hidwaan sa pagitan ng US at China.

Nilinaw ng Pangulo na hindi siya nanggagatong ng tensiyon at pawang katotohanan lamang ang kaniyang binanggit.

Sa kabila ng anumang banta, tiniyak niyang mananatili ang presensya ng Pilipinas sa West Philippine Sea, patuloy na ipagtatanggol ang teritoryo at isasabuhay ang soberanya ng bansa.