
Posibleng umabot sa 200,000 metriko tonelada kada taon ang inaangkat na bigas ng Pilipinas mula United States pagsapit ng 2028, batay sa kasunduang nilagdaan ng mga grupo ng industriya ng bigas ng dalawang bansa.
Sa ilalim ng memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng USA Rice at Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRISM), maaaring umangkat ang Pilipinas ng 100,000 metriko tonelada ng bigas mula US sa 2027, bago ito itaas sa 200,000 metriko tonelada taun-taon simula 2028.
Ayon sa mga grupo, layunin ng kasunduan na magbigay ng alternatibong mapagkukunan ng suplay ng bigas para sa Pilipinas at palawakin ang kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa.
Sa kasalukuyan, Vietnam pa rin ang pangunahing pinagkukunan ng inaangkat na bigas ng Pilipinas.






