Tinatayang aabot sa P100 million ang halaga ng pinsala ng sunog sa isang auto supply sa Barangay Balzain West, Tuguegarao City kagabi.

Sinabi ni Eduardo Lui, may-ari ng nasabing auto supply na ibinase niya ang halaga ng pinsala sa kanyang negosyo sa una nilang isinagawang inventory, kung saan may bagong dating pa na mga supplies na lulan ng dalawang truck.

Ayon kay Lui, tanggap na niya ang nangyari sa kanyang negosyo, subalit umaasa siya na intact pa ang kanilang fire proof safety vault na kinalalagyan ng mga importanteng mga dokumento at mga tseke na bayad ng kanilang mga kliyente.

Nagpapasalamat din siya dahil sa walang nasaktan at hindi nadamay ang mga katabing gusali dahil sa kanilang fire wall.

Idinagdag pa niya na hinihintay na rin nila ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection sa sanhi ng sunog, dahil sa tuwing umaalis sila ay tinitiyak na naka-shut off ang kanilang main breaker.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Lui na mabilis ang tugon ng mga bombero, subalit mabilis na kumalat ang apoy dahil sa nahirapan silang mabuksan ang accordion at dahil sa combustible materials sa loob ng gusali.