Walang naisalbang gamit ang pitong pamilya na kinabibilangan ng 25 katao nang tupukin ng apoy ang pitong bahay bandang 3:00 am ng madaling araw kahapon (Pebrero 19) sa Brgy. Balatubat, Camiguin Island sa bayan ng Calayan.

Ayon kay SFO1 Dante Cardenas, hepe ng Intelligence Unit ng BFP Calayan, lumalabas sa pagsisiyasat na aabot sa higit kumulang P225k ang halaga ng pinsalang iniwan ng sunog mula sa pitong kabahayan na pawang gawa sa kugon, kawayan at kahoy.

Bagamat kompleto aniya ng kagamitan ang BFP Calayan ay hindi namana niya nila magawang makaresponde agad dahil aabot ng hanggang apat na oras bago marating ang islang barangay na pinangyarihan ng sunog at wala rin silang mapagsasakyan sa fire truck dahil kailangan nilang maglayag sa karagatan.

Batay sa imbestigasyon, nagsimula aniya ang sunog sa bahay ni Ruben Simon, mangingisda na residente sa naturang barangay kung saan pasado alas dos ng madaling araw ng nagpakulo siya ng tubig at iniwan niya ito dahil kinailangan niyang mamalaot upang mangisda.

Hindi rin aniya napansin ng mga kasama nito sa bahay ang sunog dahil sa kasarapan ng tulog at nagulat na lamang sila ng makaramdam ng init na mula sa lumalagablab na apoy na tumutupok na sa kanilang bahay.

-- ADVERTISEMENT --

Saad ni Cardenas, Bagamat nagtulung-tulong ang mga residente sa lugar na makapagsagawa ng bucket relay upang apulain ang apoy ay hindi nila agad ito napigilan dahil sa bilis ng pagliyab nito sa mga kabahayang gawa sa light materials.

Sinabi niya na sa ngayon ay pansamantalang nanunuluyan sa mga tent na ibinigay ng barangay ang mga apektadong residente habang patuloy din ang panawagan ng tulong upang sila ay makapagsimulang muli.