
Nakatanggap ng mataas na parangal ang isang kadete mula sa Philippine Military Academy matapos hiranging Star Cadet sa Republic of Korea Military Academy.
Kinilala si Cadet Second Class Edmar James Abedes, 23-anyos mula Sto. Niño, Cagayan Valley, bilang ikalawang Pilipinong tumanggap ng naturang parangal, kasunod ni 2LT Guidson Domingo noong 2025.
Si Abedes ay miyembro ng PMA “Talang Dangal” Class of 2026 at ipinadala sa South Korea noong 2023 sa ilalim ng Foreign Pre-Commissioning Training Institution program, kung saan kumukuha siya ng kursong Bachelor of Science in International Relations.
Iginawad sa kanya ang Star Cadet Award noong March 20, 2026, isang prestihiyosong pagkilala na katumbas ng “Starman” Award ng PMA.
Ibinibigay ito sa mga kadeteng may natatanging pagganap sa academics, military training, physical fitness, liadership, discipline at character.
Bukod dito, nakamit din ni Abedes ang Physical Fitness Test Silver Award dahil sa kanyang mataas na antas ng pisikal na kakayahan.
Ayon kay Abedes, iniaalay niya ang kanyang tagumpay sa kanyang pamilya at sa Diyos.
Ayon sa PMA, patunay ang tagumpay ni Abedes na kayang makipagsabayan ng mga Pilipino sa global stage.










