Iniutos ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang agarang pakikipag-ugnayan ng Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa House of Representatives upang matukoy ang nasa likod ng defacement sa website ng Kamara.

Nabatid na ang insidente ay nangyari ilang araw matapos ding ma-target ng kaparehong cyberattack ang website ng Senado.

Ayon kay Nartatez, inatasan din ang ACG na makipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng pamahalaan upang matukoy ang pinagmulan, paraan, at lawak ng naturang cyber attack.

Tiniyak ng PNP na masusing iniimbestigahan ang insidente at pananagutin ang mga responsable sa ilalim ng batas, habang pinaalalahanan ang mga ahensya ng gobyerno na palakasin pa ang kanilang cybersecurity measures upang maiwasan ang kahalintulad na pag-atake.