
Tiniyak ni Philippine National Police Chief Gen. Nicolas Torre III sa publiko na inihahanda na ang pagsisilbi ng arrest warrants laban sa high-profile suspects at sinabing patuloy ang pagsisiyasat at intelligence works ng mga pulis para maaresto ang mga ito.
Ayon kay Torre, naghahanap ng leads ang kanilang hanay para maaresto si dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag at may inilaan na resources para siya ay mahanap.
Sinabi ni Torre na batay sa kanilang nakalap na impormasyon, hindi pa lumalabas ng bansa si Bantag, at mayroon na umano silang lead kung saan siya nagtatago.
Nahaharap si Bantag sa kasong murder sa pagpatay sa radio broadcaster Percival Mabasa.
Tinutugis din ng mga pulis si dating presidential spokesperson Harry Roque, na ipinag-utos ang kanyang pag-aresto dahil sa kasong human trrafficking, at dating police officer Rafael Dumlao III, na wanted sa pagpatay sa isang South Korean businessman.
Sinabi ni Torre na kung sakali man na mahanap ang mga ito at sila ay lalaban, kailangan na gumamit ng pwersa upang sila ay mahuli.
Si Roque ay nasa The Hague, kung saan humihingi siya ng asylum, at iginiit na hindi siya maaaring bumalik sa Pilipinas habang nakabinbin ang kanyang aplikasyon para sa asylum.