Iginiit ng Philippine National Police (PNP) na hindi dapat husgahan ang kabuuang sitwasyon ng krimen sa bansa batay lamang sa mga insidente sa Metro Manila.

Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Allan Rae Co, bagama’t kinikilala ng kanilang hanay ang pangamba ng publiko dahil sa mga high-profile na krimen, kailangang tingnan ang mas malawak na datos mula sa iba’t ibang rehiyon.

Nilinaw ni Co na ang iniulat na 20.6% pagbaba ng focus crimes sa unang tatlong buwan ng DILG Safer Cities Initiative ay hindi nangangahulugan na ligtas na ang buong bansa, kundi bahagi lamang ito ng kabuuang pagtatasa sa kalagayan ng krimen.

Kabilang sa tinatawag na focus crimes ang murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft, carnapping, at motorcycle theft.

Ayon sa PNP, bumaba sa 7,883 kaso ang naitala sa loob ng unang tatlong buwan ng programa mula sa dating 9,506 kaso sa naunang panahon.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, sinabi ng PNP na patuloy nilang tinututukan ang mga krimeng malaki ang epekto sa pakiramdam ng seguridad ng publiko, lalo na ang mga kamakailang insidente ng pag-atake sa mga motorcycle rider.