
Magde-deploy ang National Capital Region Police Office o NCRPO ng mahigit 17,000 pulis sa Metro Manila para sa mga aktibidad kaugnay ng ika-54 na anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law bukas, Setyembre 21.
Ayon kay NCRPO spokesperson Police Lieutenant Colonel Hazel Asilo, nasa 17,085 police personnel ang kanilang ide-deploy, kabilang ang mga Civil Disturbance Management o CDM contingents at mga tauhan mula sa mga kalapit na rehiyon.
Kabilang sa mga lugar na inaasahang pagdarausan ng mga mobilisasyon ang EDSA Shrine, People Power Monument, Mendiola at Liwasang Bonifacio, pati na rin ang mga lugar malapit sa mga tanggapan ng pamahalaan gaya ng Senado at House of Representatives.
Batay sa assessment ng mga awtoridad, nasa 3,000 katao ang inaasahang dadalo sa mga pagtitipon sa iba’t ibang lugar.
Samantala, sinabi ng NCRPO na wala pa silang namo-monitor na validated threat para sa mga aktibidad bukas, ngunit patuloy ang kanilang monitoring upang agad na matugunan ang anumang posibleng insidente o abala.
Hinimok naman ng pulisya ang mga grupong magsasagawa ng protesta o iba pang aktibidad na makipag-ugnayan sa mga awtoridad at kumuha ng kinakailangang permit.
Ayon kay Asilo, makatutulong ang koordinasyon upang makapaghanda ang mga awtoridad sa security measures at traffic rerouting at mabawasan ang abala sa ibang mga motorista at residente.
Iginiit naman ng NCRPO na bahagi ng tungkulin ng mga pulis ang pagbibigay ng seguridad at proteksyon hindi lamang sa mga kalahok sa mga aktibidad kundi maging sa mga residente at iba pang mamamayang maaaring maapektuhan ng mga pagtitipon.










