Paiigtingin ng PNP Tuguegarao ang seguridad sa lahat ng paaralan sa lungsod kasunod ng pamamaril sa isang eskwelahan sa Tacloban City.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Gary Matagay, hepe ng Tuguegarao PNP, maglalagay sila ng mga police post sa malalaking paaralan, hihingi ng tulong sa mga barangay tanod, at bibigyan ng pagsasanay ang mga security guard upang maging mas handa sa anumang insidente.

Pupulungin din ang PNP ang mga opisyal ng paaralan upang pag-usapan ang paglimita ng entry points at mahigpit na pagsita sa mga mag-aaral na may dalang malalaking bag, gayundin sa mga bisita at magulang na pumapasok sa eskwelahan.

Nanawagan naman si Matagay sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak at ipagbigay-alam sa guro kung may napapansing kakaibang kilos.