
Inihayag ni US President Donald Trump na halos plantsado na ang framework ng posibleng kasunduan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran na maaaring magresulta sa muling pagbubukas ng Strait of Hormuz.
Mahalagang shipping route ang Strait of Hormuz dahil malaking bahagi ng pandaigdigang suplay ng langis ang dumadaan dito.
Naapektuhan ang global energy market matapos magsara ang ruta kasunod ng tensyon at opensiba ng US at Israel laban sa Iran noong Pebrero.
Ayon kay Trump, tinatalakay pa ang mga huling detalye ng kasunduan at maaari itong ihayag sa mga susunod na araw.
Gayunman, sinabi ng Iran na hindi pa pinal ang naturang usapan at may ilang bahagi pa umanong hindi napagkakasunduan.
Batay sa mga ulat, kabilang sa posibleng kasunduan ang pagtatapos ng sigalot, pagresolba sa krisis sa Strait of Hormuz, at pagsisimula ng mas malawak na negosasyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Patuloy na minomonitor ng iba’t ibang bansa ang usapin dahil sa epekto nito sa seguridad sa Gitnang Silangan at sa pandaigdigang presyo ng langis.










