Magkakaiba ang galaw ng presyo ng mga produktong petrolyo simula bukas, Martes, October 13, kung saan bababa ang presyo ng diesel habang tataas naman ang gasolina at kerosene.

Ayon sa Department of Energy o DOE, bababa ng ₱3.01 kada litro ang presyo ng diesel, kabilang ang Diesel Plus.

Tataas naman ng ₱1.56 kada litro ang lahat ng uri ng gasolina, kabilang ang RON 91, RON 95 at RON 97, habang madaragdagan ng ₱1.77 kada litro ang presyo ng kerosene.

Ipinaliwanag ng DOE na kabilang sa mga dahilan ng pagbaba ng presyo ng diesel ang kasunduan ng Group of Seven o G7 na maglabas ng 100 milyong bariles ng petrolyo mula sa emergency reserves, na pangunahing nakatuon sa mga produktong diesel.

Ayon pa sa ahensya, nakatulong din sa pagbaba ng presyo ang iniulat na kasunduan ng Estados Unidos at Russia.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa datos ng DOE noong October 9, may sapat na suplay ng petrolyo ang bansa para sa tinatayang 51 araw na konsumo.

Tatagal naman nang 53 araw ang suplay ng gasolina at 56 araw ang suplay ng diesel.

Samantala, magpapatuloy ang ₱12 kada litrong fuel subsidy ng pamahalaan para sa mga tsuper ng public utility vehicles o PUV, ayon sa DOE.