Nilinaw ng National Bureau of Investigation (NBI) na ang planong pagpapadala ng subpoena kay Nancy dela Rosa ay hindi kaugnay sa paghahanap sa kinaroroonan ng asawang si Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, nais lamang nilang maberipika ang pahayag na iniulat ni Senate President Alan Peter Cayetano na nagsasabing nagpadala umano si Nancy dela Rosa ng text message na nagsasabing “nakatakas” si Senador dela Rosa sa gitna ng kaguluhang dulot ng insidente ng pamamaril sa Senado noong Mayo 13.

Sinabi ni Matibag na kung mapatutunayang totoo ang naturang pahayag, kailangang masagot kung ginamit ba ang insidente bilang diversion upang makatakas ang senador.

Ayon pa sa NBI, malinaw umanong may direktang partisipasyon si Mao Aplasca sa insidente matapos nitong simulan ang pagpapaputok. Dahil dito, nais ding matukoy ng ahensya kung may nag-utos sa kanya at kung sino ang posibleng nasa likod ng naturang aksyon.

Giit ni Matibag, dapat managot ang sinumang naglagay sa panganib sa mga senador, kawani ng Senado at miyembro ng media sa nangyaring insidente.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi rin ng NBI director na nakausap na niya si Senador Ping Lacson upang linawin ang kanyang posisyon sa usapin.

Aniya, iginagalang niya ang mga obserbasyon ng senador at tinatanggap niya ang mga ito bilang bahagi ng pagsusulong ng mataas na pamantayan sa imbestigasyon.