
Binigyan ng 15 araw si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa upang magsumite ng nakasulat na paliwanag kaugnay ng reklamong inihain laban sa kaniya dahil sa matagal na hindi pagdalo sa mga gawain ng Senado.
Sa liham ng Senate Committee on Ethics and Privileges, inatasan ang senador na isumite ang kaniyang pormal na tugon at iba pang impormasyong may kaugnayan sa reklamo alinsunod sa mga patakaran ng komite.
Kinumpirma naman ng tanggapan ni Dela Rosa ang pagtanggap sa notice of complaint sa pamamagitan ng liham na ipinadala kay Senate Committee on Ethics and Privileges Chairperson Senador Vicente “Tito” Sotto III noong Nobyembre 19.
Sa naturang liham, sinabi ng chief of staff ng senador na limang affidavit ang kalakip ng reklamong kanilang natanggap. Tiniyak din ng tanggapan ang pakikiisa ni Dela Rosa sa mga proseso ng ethics committee.
Inihain ang reklamo ng grupong Wag Kang KuCorrupt na kumukuwestiyon sa matagal na pagliban ng senador sa mga aktibidad ng Senado.
Ayon sa grupo, maaari itong maituring na pagpapabaya sa kaniyang tungkulin bilang mambabatas, kaya hinihiling nilang panagutin si Dela Rosa alinsunod sa umiiral na mga patakaran ng Senado.
Nakatakda namang gamitin ng senador ang 15 araw na ibinigay ng komite upang maipaliwanag ang kaniyang panig kaugnay ng naturang reklamo.










