Nagliyab at sumabog ang isang power bank habang nasa inspection table sa Roxas Airport sa Capiz.

Ayon sa ulat, sinabing kumislap ang power bank habang sinusuri ang bagahe ng isang pasahero na papuntang Maynila.

Binugahan ng fire extinguisher ang power bank pero sumabog na dahilan para magkalasog-lasog at nag-iwan ng itim na abo sa sahig.

Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), wala namang nasaktan sa nangyaring insidente.

Napag-alaman na sobra sa itinakda ng CAAP na 160 watt-hour allowable capacity sa flight ang naturang power bank.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi umano ng pasahero na may dala ng power bank na pinayagan siyang dalhin ito sa flight mula sa Maynila.

Matatandaan na naglabas ng abiso ang mga airline sa bansa na hindi lahat ng power bank ay pinapayagan sa loob ng eroplano.

Ayon sa abiso, ang mga worn-out o lumolobo na power banks ay hindi pinapayagan na ipasok sa aircraft

Pinapayagan naman ang azng power banks na may capacity na 100Wh o mas mababa, kung saan ito ay katumbas ng 20,000mAh hanggang 27,000mAh depende sa output voltage.

Ayon naman abiso ng CAAP, ipinagbabawal sa mga flight ang power banks na lampas 160 watt-hours.

Base sa CAAP regulation, posibleng payagan ang power bank sa hand-carry luggage subalit hindi ito dapat lumampas sa 100 watt-hours efficiency.

Subalit, kapag umabot sa 160 watt-hours, dapat aprubahan ng airline ang mga power bank upang madala sa flight.

Ipinagbabawal ang mga power bank sa check-in luggage dahil ito ay fire hazard.