TUGUEGARAO CITY-Nilahukan ng tinatayang 5, 000 katao ang isinagawang prayer rally sa Tuguegarao City na pinangunahan ng Prayer Rally for Peace Cagayan Movement para ipanalangin at iparating sa national government ang kanilang mariing pagtutol sa pagtatayo ng dalawang EDCA sites sa lalawigan ng Cagayan.
Dumalo din dito si Governor Manuel Mamba at mga lokal na opisyal mula sa mga bayan na tutol sa EDCA sites sa Lallo at Santa Ana.
Nakiisa rin dala ng kanilang mga placards na nagpahayag ng kanilang pagtutol sa EDCA sites ang mga miyembro ng ibat-ibang sektor sa lipunan tulad ng simbahan, non-government organization, kabataan, academe, kababaihan, agrikultura at iba pa.
Sa kanilang mensahe, kanya-kanyang nagpahayag ng pagkabahala ang mga alkalde sa bayan ng Piat, Tuao, Camalaniugan at ibat-ibang sector sa panganib na maaaring idulot sa mga Cagayano ng pagtatayo ng EDCA sites.
Umaasa ang mga ito na maaari pang mabago ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil ang unang maaapektuhan sa posibleng pagsiklab ng giyera sa girian ng America at China ay ang Cagayan kasunod ng presensya ng mga Amerikanong sundalo at kanilang mga kagamitan sa lalawigan.
Muli rin nanindigan si Governor Mamba sa kanyang pagtutol sa paglalagay ng EDCA site sa lalawigan dahil una pa lang ay hindi man lang siya kinonsulta para rito.
Hindi rin naniniwala ang gobernador na para ito sa humanitarian at disaster response at iginiit na ayaw ng mga Cagayano na maging kaaway o magamit na panakot ang lalawigan at ang tanging maiaalok sa ibang mga bansa ay pagkakaibigan.
Samantala, 20 mula sa 28 munisipalidad sa lalawigan kabilang ang Lallo at Santa ang nagpahayag ng suporta sa pagtatayo ng dalawang EDCA site batay sa inilabas na resolution ng League of Municipalities of the Philippines o LMP-Cagayan Chapter na pinamumunuan ni Lal-lo Mayor Florante Pascual.
Nakasaad sa resolusyon na sa pamamagitan nito ay mapapabilis ang paghahatid ng tulong na kailangan ng Cagayan sa panahon ng kalamidad at pagtitiyak ng kapayapaan.
Gayunman, kinuwestyon ito ni Camalaniugan Mayor Isidro Cabaddu dahil nang pumirma ito sa resolusyon ay hindi tinukoy ang Lal-lo at Sta Ana na lokasyon ng EDCA na mariin nitong tinututulan.
Ang mga alkalde na hindi pumirma sa resolusyon ay mula saIguig, Piat, Sta. Ana, Tuao, Enrile, Calayan, Allacapan at Alcala.
Inaasahan din daw na masusundan pa ang isinagawang prayer rally sa mga susunod na Linggo.