
Naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mas magiging madali ang paglalabas ng katotohanan kung personal na haharap si Vice President Sara Duterte sa Senate impeachment court upang direktang sagutin ang mga akusasyon laban sa kaniya.
Sa panayam matapos ang kaniyang opisyal na pagbisita sa Canada, sinabi ng Pangulo na mas mainam kung mismong ang inaakusahan ang magbibigay ng paliwanag sa halip na dumaan lamang sa kaniyang mga abogado. Gayunman, nilinaw niyang personal na pananaw lamang ito at hindi isang legal na opinyon.
Nauna nang ipinatawag ng Senate impeachment court si Duterte upang humarap sa paglilitis na magsisimula sa Hulyo 6, personal man o sa pamamagitan ng kaniyang legal counsel.
Nahaharap ang Bise Presidente sa apat na articles of impeachment na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol sa mga opisyal ng Department of Education, at pagbabanta laban sa Pangulo at First Lady Liza Araneta-Marcos. Samantala, sinabi rin ng Malacañang na pagkakataon ng impeachment trial para linisin ni Duterte ang kaniyang pangalan.










