
Tumaas ang presyo ng halos lahat ng mga gulay sa Nueva Vizcaya Agricultural-Terminal (NVAT) sa lalawigan ng Nueva Vizcaya dahil sa sunod-sunod na pag-ulan at pagbaha dulot ng Habagat at mga nagdaang bagyo.
Ayon kay Julio Basilan, Agri-Production Marketing Officer ng NVAT, matapos ang tatlong araw na mababa ang bentahan dahil sa sama ng panahon, nakapagtala na ngayon ng pagtaas sa presyo ng mga gulay tulad ng repolyo na mula sa dating P10-15 bawat kilo ay umaabot na ngayon sa P20 hanggang P28 at ombok na mula sa dating P8-10 bawat kilo ay nasa P18-20 na ngayon.
Habang sa presyo ng kamatis ay unti-unti na rin tumataas sa P20-30 bawat kilo mula sa dating P15 bawat kilo.
Sinabi ni Basilan na ang pagtaas ng presyo ng gulay ay dahil sa bumaba ng humigit-kumulang 20% ang volume ng supply na pumapasok sa terminal dulot ng pinsala ng sunod-sunod na bagyo sa mga pananim.
Sa kabila nito, tiniyak niya na regular pa rin ang pagdating ng mga produkto, kung saan 60% ay mula sa Region 2 at 30% naman mula sa Cordillera.
Samantala, nilinaw din ni Basilan na mayroon pa ring mga gulay na nasisira o itinatapon dahil sa hindi agad naibebenta, subalit hindi naman ito gaano kalaki.
Mayroon na rin umanong nalilikhang plano para sa isang mas malaking storage facility upang maiwasan ang pagkasira ng mga produkto sa hinaharap.










