
Magdadala ng maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan ang isang Low Pressure Area o LPA sa Southern Luzon, Visayas at ilang bahagi ng Mindanao.
Alas-3 ng hapon, nasa 160 kilometro silangan ng Puerto Princesa City, Palawan ang LPA.
Hindi ito inaasahang lalakas bilang bagyo at posibleng kumilos pakanluran patungong West Philippine Sea bago tuluyang mawala.
Kabilang sa posibleng maapektuhan ang Batangas, Quezon, Bicol, Mimaropa, Visayas, BARMM, Zamboanga Peninsula at Northern Mindanao.
Samantala, posible rin ang mga paminsan-minsang pag-ulan o pagkidlat-pagkulog sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon at Mindanao.
Nasa hulihan na ng Habagat season ang bansa, ngunit posible pa itong muling lumakas bago matapos ang buwan.
Sa kabilang banda, naging severe tropical storm na ang bagyong Dujuan, ngunit nananatili itong malayo sa bansa at hindi inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility o makaaapekto sa lagay ng panahon.










