Matapos ang dalawang sunod na linggo ng bawas-presyo bunsod ng pansamantalang katahimikan sa pagitan ng Israel at Iran, asahan ang muling pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo simula bukas, Hulyo 15, 2025 .

Batay sa anunsyo ng ilang kumpanya ng langis, magpapatupad sila ng P0.70 kada litro na dagdag sa presyo ng gasolina, P1.40 kada litro sa diesel, at P0.80 kada litro sa kerosene.

Mas mataas ito kumpara sa inisyal na pagtataya ng Department of Energy (DOE), na nagsabing ang pagtaas ay resulta ng patuloy na pagmahal ng presyo sa Mean of Platts Singapore, ang batayang ginagamit sa pagtukoy ng presyo ng mga produktong petrolyo sa rehiyon.

Ayon sa Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB), ang pangunahing dahilan ng pagtaas ay ang pagbaba ng oil production sa Estados Unidos, kasabay ng tumataas na demand para sa gasolina.

Dagdag pa rito ang mga pag-atake ng Houthi rebels sa mga barko sa Red Sea, na siyang isa sa pinakamahalagang ruta ng pandaigdigang suplay ng langis.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabuuan ng taong ito, umaabot na sa P9 kada litro ang netong dagdag sa presyo ng gasolina, P11.35 sa diesel, at P1.85 sa kerosene.