Isiniwalat ng isang dating undersecretary at head ng procurement unit ng Department of Education (DepEd) na binigyan siya ng P50,000 kada buwan ni Vice President Sara Duterte para umano impluwensiyahan ang kanyang mga desisyon sa bidding ng ahensiya.
Sinabi ni Gloria Mercado sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability na mula February hanggang September 2023, nakatanggap umano siya ng siyam na sobre na may nakasulat na “HoPE” o Head of Procuring Entity (HoPE) at “50K.”
Sa kanyang affidavit, ibinigay umano sa kanya ng kada buwan ang sobre ni dating DepEd Assistant Secretary Sunshine Fajarda, na galing umano mismo sa tanggapan ni Duterte.
Sinabi niya na sinasabi sa kanya ni Fajarda na galing kay VP at nagmukhang tinanggap niya ang mga nasabing sobre sa pamamagitan ng kanyang tanggapan na HoPE, na alam niya na si Fajarda ay asawa ni DepEd special disbursement officer Edward Fajarda.
Gayonman, mariing pinabulaanan ni Duterte ang mga alegasyon, at hinamon niya si Mercado na magpakita ng pruweba.
Inakusahan din niya si Mercado na humingi ng P16 million mula sa isang kumpanya gamit ang pangalan ng secretary, na wala umanong otorisasyon mula sa DepEd.
Ipinakita ng OVP ang dokumento ng umano’y isang sulat ni Mercado na may letterhead ng kanyang dating tanggapan bilang DepEd undersecretary for human resource and organizational development.
Nakalagay sa sulat ang trailer vehicle, equipment para sa communication center, pondo para sa DepEd Guro apps, training, at iba pa.
Sinabi pa ni Duterte na kumuha ng isang guro si Mercado mula sa Central Visayas at itinalaga niya ito bilang executive assistant sa DepEd central office.
Ayon kay Duterte, kinompronta niya si Mercado nang malaman niya ito sa kanyang mga pagbisita sa Cebu.
Sinabihan umano niya si Mercado na wala na siyang tiwala sa kanya at kailangan na niyang lisanin ang kanyang puwesto.
Hiniling umano sa kanya ni Mercado na maghain na lamang siya ng early retirement dahil matanda na rin umano siya na pinagbigyan naman ni Duterte.
Binigyang-diin ni Duterte na ang mga nasabing pangyayari ang dahilan kaya siya natanggal sa posisyon si Mercado at may mga dokumento na susuporta sa kanyang desisyon.