
Kinuwestiyon ng House prosecution panel ang P41.7-milyong manager’s check na konektado kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Sara Duterte, na ayon sa kanila ay nanatiling “floating” sa loob ng ilang taon.
Sa impeachment trial, kinumpirma ni BPI Central Metro Manila Branches Division Head Marwin Galvez ang joint time deposit account nina Rodrigo at Sara na binuksan noong Enero 2010 na may prinsipal na P40.65 milyon.
Ayon kay Galvez, umabot sa P41.7 milyon ang deposito matapos ang ilang renewal, bago ito ginamit para bumili ng manager’s check noong Marso 2011.
Pagkalipas ng pitong buwan, lumitaw sa rekord na hindi nagamit ang manager’s check. Ipinaliwanag ni Galvez na valid lamang ito nang anim na buwan at maaaring ibalik sa pinagmulang account ang pondo kung hindi na gagamitin.
Sinabi ng prosekusyon na nais nitong patunayan ang isang “pattern” kung saan umiikot ang pera at hindi nakikita sa year-end balances dahil nasa manager’s check ito. Ayon sa prosekusyon, maaari umanong maiugnay ang P41.7 milyon sa hiwalay na P55-milyong transaksyon at paggamit nito sa pagbili ng insurance policies.
Itinanggi naman ng kampo ni Sara Duterte ang mga naunang alegasyon ni dating senador Antonio Trillanes IV tungkol sa umano’y hindi idineklarang yaman ng bise presidente.




