
Tinapos ng House prosecution panel ang paglalatag ng ebidensya para sa Article 4 ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, na may kaugnayan sa umano’y banta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez. Nagsilbing huling testigo ang National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag, na sumailalim sa cross-examination ng kampo ng bise presidente.
Sa pagdinig, sinabi ni House lead prosecutor at Batangas Representative Gerville Luistro na hindi na kailangan ng prosecution ang redirect examination kay Matibag at pormal ding iniharap ang affidavit ni Arturo Lascañas bilang bahagi ng ebidensya. Samantala, nagpahayag si Senator-Judge Robin Padilla na hindi dapat maging “one-sided” ang prosecution, habang humingi naman ng paumanhin si private prosecutor Atty. Lorna Kapunan matapos ang naging reaksiyon ng ilang abogado ng prosecution sa plenaryo.
Nagpalabas din ang impeachment court ng mga subpoena sa Bureau of Internal Revenue (BIR), Anti-Money Laundering Council (AMLC) at ilang bangko kaugnay ng financial records ni Vice President Duterte at ng kanyang asawang si Manases Carpio. Inaprubahan rin ng korte ang pagpapatawag sa dalawang dating LandBank branch managers na sina Violeta Constantino at Nenita Camposano, na nakatakdang humarap sa pagpapatuloy ng paglilitis sa Hulyo 29.










