
Tinuligsa ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang patuloy na pang-aabuso at pangingikil ng ilang opisyal ng pamahalaan sa mga lehitimong negosyante, kabilang ang sinadyang pag-antala sa pag-isyu ng mga permit para sa pansariling pakinabang.
Sa pakikipagpulong sa mga miyembro ng industriya ng lechon sa Cebu nitong Biyernes, sinabi ni Remulla na laganap ang panghihingi ng pera ng ilang opisyal, mula sa antas ng barangay hanggang sa mas matataas na posisyon. Aniya, may mga pagkakataong nagiging tila kasosyo pa ng mga negosyante ang mga opisyal dahil sa hinihinging porsiyento sa kita.
Binigyang-diin ng Ombudsman na dapat tulungan ng pamahalaan ang mga lehitimong negosyo sa halip na hadlangan ang kanilang operasyon, dahil mahalaga ang sektor sa pagpapalago ng ekonomiya at paglikha ng trabaho.
Bilang tugon, binuksan ng tanggapan ng Ombudsman ang Investors’ Window, kung saan maaaring magsumbong ang mga negosyante at mamumuhunan hinggil sa pangingikil, pang-aabuso sa kapangyarihan, hindi makatuwirang pagkaantala at iba pang maling gawain ng mga opisyal.
Ayon kay Remulla, kung hindi pa rin kikilos ang kinauukulang opisyal sa kabila ng paunang abiso kaugnay ng hindi pag-isyu ng permit, maaari itong masuspinde. Tiniyak niyang gagamitin ng kanyang tanggapan ang kapangyarihang ipinagkaloob dito ng batas upang papanagutin ang mga sangkot.










