Nanawagan si Cavite Rep. Kiko Barzaga na patalsikin sa puwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., matapos niyang akusahan ang Pangulo na umano’y nasa likod ng kanyang pagkakakulong.

Ayon kay Barzaga, ipinakulong umano siya ni Marcos ngunit patuloy pa rin siyang lalaban.

Inakusahan din niya ang Pangulo ng umano’y katiwalian sa flood control projects at ng pagpapahintulot sa pagtaas ng presyo ng gasolina.

Sumuko si Barzaga sa mga awtoridad kagabi matapos maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng kasong cyber libel.

Nagpiyansa siya bandang 10:25 p.m. at agad ding nakalaya.

-- ADVERTISEMENT --

Ang warrant ay inilabas ng Makati Regional Trial Court Branch 147.

Matatandaang nagsampa ng reklamo laban kay Barzaga sina Enrique Razon, Ronaldo Puno, at Rolando Valeriano dahil sa kanyang Facebook post noong Enero 9.

Sa naturang post, sinabi ni Barzaga na tumanggap umano ng suhol ang ilang kongresista ng National Unity Party mula kay Razon kapalit ng pagsuporta kay dating House Speaker Martin Romualdez bago ang halalan sa 2025.

Ayon kay Razon, ang mga pahayag ni Barzaga sa social media ay hindi saklaw ng proteksyon ng “political speech” dahil umano sa pagiging mali at mapanirang-puri ng mga ito.