Naglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan laban kay Uswag Ilonggo Party-list Rep. James “Jojo” Ang Jr. kaugnay ng 14 na kasong graft na isinampa laban sa kanya dahil sa umano’y pagkakaroon ng interes sa isang construction firm na nakakuha ng mahigit P214 milyong kontrata sa Department of Public Works and Highways (DPWH), sa kabila ng pagbabawal sa mga opisyal ng pamahalaan na magkaroon ng pribadong interes sa mga kontrata ng gobyerno.

Ayon sa Sandiganbayan, may sapat na batayan upang isulong ang mga kaso laban kay Ang kaya nagpalabas ito ng warrant of arrest at hold departure order.

Bailable ang kasong graft at maaaring makapagpiyansa si Ang ng P30,000 sa bawat bilang ng kaso.

Itinanggi naman ng mambabatas ang mga paratang at iginiit na malinis ang kanyang konsensya at mapapatunayan ang kanyang pagiging inosente.

Naglabas din ng warrant of arrest ang Sandiganbayan laban kay dating Sultan Kudarat 2nd District Rep. Arnulfo Go matapos siyang sampahan ng Ombudsman ng dalawang kasong graft at dalawang kasong malversation kaugnay rin sa isyu ng mga flood control project.

-- ADVERTISEMENT --