Naghain si Senador Erwin Tulfo ng resolusyon na humihimok sa Department of Foreign Affairs (DFA) na ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador Jing Quan dahil sa kontrobersiyal na pahayag nito kaugnay ng posibleng paggamit ng puwersa laban sa Pilipinas.

Sa ilalim ng Senate Resolution No. 739, iginiit ni Tulfo na nagdulot ng seryosong pangamba ang mga pahayag ni Jing hinggil sa diplomatikong asal, soberanya at pambansang seguridad ng bansa.

Ayon sa senador, dapat nakabatay sa paggalang sa isa’t isa, makabuluhang ugnayan at mapayapang pag-uusap ang relasyon ng Pilipinas at China.

Hinimok din niya ang DFA na irekomenda sa mga kinauukulang awtoridad ang deklarasyon laban sa embahador, dahil sa posibleng epekto ng mga pahayag nito sa pambansang dangal at ugnayang diplomatiko ng dalawang bansa.

Matatandaang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipapatawag ang Chinese envoy kasunod ng naturang pahayag, na inilarawan niyang tila isang banta at hindi angkop sa isang diplomat.

-- ADVERTISEMENT --

Pormal namang ipinatawag ng DFA si Jing nitong Lunes upang ipabatid ang matinding pagtutol ng Pilipinas sa kaniyang mga pahayag.