Ipinaliwanag ng isang international lawyer na may tatlong maaaring mangyari sa pagtatapos ng confirmation of charges hearing ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

Ayon kay Atty. Kaiser Cordero, alinsunod sa Article 61 ng Rome Statute, unang posibilidad na maaaring kumpirmahin ng Pre-Trial Chamber ang mga isinampang kaso laban kay Duterte.

Kapag nangyari ito, ililipat ang usapin sa Trial Chamber at magsisimula ang pormal na paglilitis kung saan susuriin kung mapapatunayang guilty beyond reasonable doubt ang dating Pangulo.

Ikalawang posibilidad naman ang hindi pagkumpirma sa mga kaso.

Kapag hindi ito naaprubahan ng Pre-Trial Chamber, tuluyang mababasura ang mga akusasyon at maaaring makauwi ang dating Pangulo.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, may ikatlong opsyon ang ICC na mag-adjourn o pansamantalang ipagpaliban ang pagdedesisyon upang bigyan ng pagkakataon ang prosekusyon na magsumite ng karagdagang ebidensya.

Sa ganitong sitwasyon, maaari silang bumalik na may mas pinatibay na argumento laban sa akusado.

Binigyang-diin ng abogado na sa kasalukuyan, ang tinitingnan pa lamang ng Pre-Trial Chamber ay kung may “substantial grounds to believe” na may naganap na krimen at may partisipasyon ang akusado. Hindi pa ito pinal na hatol kung guilty o dapat maabsuwelto si Duterte.