
Binigyan ni Senador Robinhood Padilla ng bagsak na marka ang administrasyong Marcos kaugnay ng pagtugon nito sa mga umano’y anomalya sa flood control projects, dahil sa kakaunti pa lamang aniya ang napapanagot sa isyu. Iginiit din niyang dapat imbestigahan ang lahat ng sangkot at hindi lamang ang piling indibidwal upang matiyak na umiiral ang hustisya.
Sinabi rin ni Padilla na dapat ding talakayin sa Legislative-Executive Development Advisory Council ang panukalang Freedom of Information at ang pagbabawal sa paggamit ng social media ng mga batang edad 16 pababa. Kaugnay naman ng Charter Change, sinabi niyang nananatili siyang pabor dito, ngunit hindi ito dapat magbigay ng anumang benepisyo sa mga kasalukuyang nakaupo sa puwesto.
Samantala, sinabi ni Senate Deputy Majority Leader Joseph Victor “JV” Ejercito na umaasa siyang madaragdagan pa ang mga mapapanagot sa umano’y flood control scam. Iginiit din niya na mahalagang mapabilis ang pagpapatupad ng mga pangunahing proyektong pang-imprastraktura, kabilang ang railway system, mga paliparan at daungan, at magkaroon ng malinaw na national infrastructure master plan upang maiwasan ang mga hindi kinakailangang proyekto at mga anomalya.
Kaugnay naman ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, sinabi ni Padilla na pagbabatayan niya ang mga ebidensiyang ihaharap sa paglilitis at iginiit na dapat maging patas ang proseso. Aniya, kung bubuksan ang mga bank records ng Bise Presidente, hindi dapat ito maging isang panig lamang.
Wala munang pagdinig sa impeachment trial sa Hulyo 27 at 28 upang bigyang-daan ang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang tradisyunal na Kontra-SONA ng Senate minority. Magpapatuloy ang paglilitis sa Miyerkules, Hulyo 29, sa bagong iskedyul na alas-10:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.
Sa ikasiyam na araw ng paglilitis, tinapos ng House prosecution panel ang pagtalakay sa reklamong may kaugnayan sa umano’y banta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez. Naging huling testigo ng prosekusyon si National Bureau of Investigation Director Melvin Matibag, na nagsabing ang mga naging pahayag ng Bise Presidente ay maituturing na consummated betrayal of public trust.










