
Itinuro ng isang testigo sina Leyte Representative Martin Romualdez at dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co bilang proponents ng mga proyektong nagkakahalaga ng ₱27 bilyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), batay umano sa instruksiyon ng yumaong Undersecretary Catalina Cabral.
Sa pagdinig ng bail petition ni Romualdez sa Sandiganbayan, sinabi ni DPWH Programming Division Chief Engineer Peter Paul Cortez na ipinagpalagay nilang proponents ang dalawang mambabatas dahil ang kanilang mga pangalan ang ipinabilang ni Cabral sa database ng ahensya.
Gayunman, nilinaw ni Cortez na wala siyang direktang nakausap kina Romualdez o sa mga staff nito tungkol sa mga proyekto. Hindi rin umano nakadokumento ang instruksiyon ni Cabral, at walang nakasaad sa database tungkol sa anumang komisyon.
Hindi kabilang ang ₱27-bilyong halaga sa panukalang badyet ng DPWH sa National Expenditure Program, ngunit naisama ang mga ito sa General Appropriations Act matapos ang mga amyenda ng Kongreso.
Mariing itinanggi ni Romualdez ang pagkakasangkot sa umano’y kickback scheme sa mga flood control project.










