Inatasan ng Sandiganbayan si dating Speaker Martin Romualdez na humarap sa hearing sa Setyembre 10, 2026 kaugnay ng kanyang mosyon para manatili sa ospital habang dinidinig ang P7.4-bilyong plunder case laban sa kanya.

Nananatili si Romualdez sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City matapos siyang arestuhin ng mga pulis nitong Lunes kasunod ng warrant of arrest na inilabas ng anti-graft court.

Ayon sa Sandiganbayan, kailangang dumalo si Romualdez kung papayagan ng kanyang kondisyon.

Inatasan din siya at ang kanyang mga doktor na isumite sa korte ang resulta ng mga kaugnay na medical examination.

Itinakda ang pagdinig sa alas-8:30 ng umaga sa Setyembre 10.

-- ADVERTISEMENT --

Pinadadalhan din ng subpoena ang apat na doktor mula Cardinal Santos Medical Center upang tumestigo sa hearing.