Katulad ng information warfare ng Russia sa Europa, sinabi ng Lithuania na nagpapakalat din ng maling impormasyon ang China laban sa Pilipinas pagdating sa isyu ng West Philippine Sea.
Nag-alok ng tulong ang Lithuania sa Pilipinas sa pamamagitan ni Lithuanian Defense Minister Dovile Šakaliene, sa pagharap sa tumataas na banta sa cyber at disinformation sa West Philippine Sea.
Nagbabala si Šakaliene na ang mga taktika na ginamit pabor sa Beijing ay nagpapakita ng kaparehong information warfare ng Russia.
Ikinumpara rin ni Šakaliene ang kinakaharap ng Lithuania ang mga “hybrid threat” mula sa Russia sa sitwasyon ng Pilipinas laban sa China.
Pinuri ni Šakaliene ang ginagawa ng Pilipinas na transparent sa paglaban sa mga baluktot na salaysay ng China.
Paulit-ulit na nagpalitan ng sisi ang Pilipinas at China sa mga insidente ng agresyon sa South China Sea. Upang kontrahin ang mga salaysay ng China, ang Philippine Coast Guard at iba pang ahensya na naatasang mag-patrol sa dagat ay naglalathala ng mga larawan at video kaugnay sa mga panggigipit na ginagawa ng China.