
Ibinasura ng Sandiganbayan ang kasong falsification laban kay dating Department of Trade and Industry (DTI) official Domingo Tolentino Jr. dahil wala umano itong hurisdiksyon sa kaso.
Ayon sa prosekusyon, inakusahan si Tolentino na binalikan o binago ang petsa ng Certificate of Authority to Import na inisyu sa Quality Precast & Concrete Inc. noong Marso 15, 2018, kahit Hunyo 4, 2018 pa umano naghain ng aplikasyon ang kompanya.
Gayunman, sinabi ng Sandiganbayan na sa ilalim ng Republic Act No. 10660, Regional Trial Court ang may hurisdiksyon sa ganitong kaso kung walang tiyak na halaga ng pinsala sa gobyerno o bribery na higit sa P1 milyon.
Inalis din ng korte ang hold-departure order laban kay Tolentino at iniutos ang pagbabalik ng kanyang cash bail bond.










