
Pinaigting ng Department of Trade and Industry o DTI Region 2 ang pagbabantay sa mga online seller bilang bahagi ng proteksyon sa mga mamimili, lalo na ngayong Consumer Welfare Protection Month.
Ayon kay Atty. Angie Gumarú, OIC Division Chief ng Consumer Protection Division, may mga personnel ang DTI Region 2 na nagsasagawa ng social media policing, partikular sa Facebook Marketplace.
Kabilang sa mino-monitor ang mga online selling post na maaaring lumabag sa mga patakaran, gaya ng kawalan ng tamang price tag o presyo ng produkto.
Kapag may nakitang paglabag, maaaring abisuhan ng DTI ang seller upang maitama ang kanyang post.
Samantala, sinabi ni DTI Region 2 Assistant Regional Director Atty. Michael Paggabao na may Philippine Trust Mark para sa mga online seller na na-validate ng DTI bilang lehitimong negosyo sa online marketplace.
Hinikayat ang mga mamimili na maging mapanuri bago bumili online sa pamamagitan ng pagsuri sa specifications, presyo, reviews at iba pang detalye ng produkto. Nagbabala rin ang ahensya na maaari nang gamitin ang AI sa paggawa ng pekeng reviews.
Patuloy din ang monitoring ng DTI sa presyo at kalidad ng basic at prime commodities, gayundin sa mga produktong kailangang may mandatory certification gaya ng plywood, uPVC pipes, electrical appliances at helmets.
Pinapayuhan ang mga mamimili na tingnan ang Philippine Standard o PS mark sa lokal na produkto at ICC sticker naman sa mga imported na produkto.










