Pinagtibay ng Sandiganbayan Second Division ang nauna nitong desisyon na ibasura ang motion to dismiss ni Senator Jinggoy Estrada sa kasong graft na may kaugnayan sa umano’y P213.7 milyong kickback mula sa mga proyekto sa flood control.

Sa anim na pahinang resolusyon, sinabi ng anti-graft court na wala umanong bagong argumento ang mosyon para sa muling pag-aaral ng kaso dahil naisaalang-alang at naibasura na ang mga ito sa naunang desisyon noong Hunyo 4, 2026. Nilagdaan ang resolusyon nina Presiding Justice Geraldine Faith Econg at Associate Justices Edgardo Caldona at Gener M. Gito.

Bukod sa kasong graft sa Second Division, nahaharap din si Estrada sa kasong plunder na nagkakahalaga ng P573 milyon at hiwalay na kasong graft na parehong may kaugnayan sa umano’y anomalya sa mga flood control project na dinidinig naman ng Sandiganbayan Fifth Division.