
Pinayagan ng Sandiganbayan Fifth Division si detained Senator Jinggoy Estrada na sumailalim sa X-ray sa tuhod sa isang pribadong ospital habang nakapiit kaugnay sa mga kasong plunder at graft sa umano’y maanomalyang flood control projects.
Sa resolusyong inilabas nitong Lunes, sinabi ng anti-graft court na maaari nang lumabas si Estrada sa New Quezon City Jail alas-11 ng umaga sa Miyerkules, August 26, para sa kanyang X-ray sa Cardinal Santos Medical Center alas-1 ng hapon.
Inatasan siyang bumalik sa piitan pagsapit ng alas-3 ng hapon sa parehong araw, matapos ang kinakailangang medical procedure.
Ayon sa Sandiganbayan, sagot ni Estrada ang lahat ng gastusin para sa ospital, medical fees, transportasyon at iba pang incidental expenses.
Kailangan din siyang samahan ng mga security escort, immediate family, legal counsel at attending medical personnel lamang.
Mahigpit ding ipinagbawal ng korte ang pagkuha ng litrato at video, gayundin ang anumang social media posting kaugnay sa medical procedure ni Estrada.
Inatasan naman ng Sandiganbayan ang New Quezon City Jail Superintendent na magsumite ng comprehensive compliance report sa korte, na may kopya ang prosecution, hindi lalampas sa tatlong araw matapos bumalik si Estrada sa detention.










