
Kinumpirma ni Vice President Sara Duterte na hindi siya dadalo sa pagdinig ng House Justice Committee kaugnay ng impeachment laban sa kanya. Aniya, mas nais niyang ituon ang kanyang oras sa pagtulong sa mga Pilipino na apektado ng krisis sa Middle East.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Duterte na ginagamit umano ng komite ang pagdinig upang makabuo ng isang media narrative at isang “fishing expedition” laban sa kanya. Giit pa niya, tila ginagamit ang imbitasyon sa pagdinig upang makabuo ng tinatawag na “mini-trial” batay sa umano’y hindi niya pagsagot at pagdalo.
Iginiit din ng Bise Presidente na inuuna umano ng House of Representatives ang politika kaysa sa kapakanan ng publiko. Ayon sa kanya, ginagamit ang mga pagdinig upang magsagawa ng panibagong paghahanap ng ebidensya laban sa kanya, habang maraming Pilipino ang nahihirapan sa mataas na presyo ng mga bilihin.
Dagdag pa ni Duterte, hindi siya obligado na dumalo sa naturang pagdinig at dapat nang ibasura ang mga reklamo laban sa kanya dahil sa kakulangan ng ebidensya. Aniya, nakapagsumite na siya ng kanyang sagot na “Answer ad Cautelam” at wala na umanong dapat pang gawin ang komite.
Binigyang-diin din niya na mas pipiliin niyang ilaan ang kanyang oras sa pagtulong sa publiko, partikular sa pagbibigay ng paalala at pagbisita sa mga komunidad upang makatulong maibsan ang hirap sa gastusin ng mga pamilya.
Samantala, iginiit ni Batangas Second District Representative Gerville Luistro, chairperson ng komite, na ang pagdinig ay bahagi ng tungkulin ng Kongreso sa ilalim ng Saligang Batas, kahit pa may mga ibang mahahalagang isyung kinahaharap ang bansa tulad ng pagtaas ng presyo ng krudo at mga bilihin.
Ayon kay Luistro, hindi nakakalimutan ng House of Representatives ang iba nitong responsibilidad, kabilang ang pagtugon sa inflation, seguridad sa pagkain, at mga serbisyong panlipunan.
Ipinaliwanag din niya ang paggamit ng terminong “mini-trial,” na aniya ay upang ipakita ang kaibahan ng pagdinig sa Justice Committee at sa impeachment trial na isinasagawa sa Senado. Nilinaw niya na ang layunin ng pagdinig ay tukuyin lamang kung may sapat na batayan o probable cause upang maipagpatuloy ang kaso, at hindi pa ito pagdedesisyon sa pagkakasala ng akusado.










