
Inaprubahan ng Supreme Court o SC En Banc ang mga panuntunan para sa civil forfeiture ng mga asset na konektado sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Ayon sa SC, isinagawa ang mga panuntunan alinsunod sa Republic Act No. 12312 o Anti-POGO Act of 2025, na nagpapahintulot sa pamahalaan na kunin ang mga ari-ariang direktang o hindi direktang ginamit sa ilegal na POGO activities.
Maaaring magsampa ng civil forfeiture petition ang mga ahensya ng gobyerno sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General sa Regional Trial Court o RTC. Kailangang matukoy ng korte sa loob ng 24 oras kung may probable cause.
Kung may probable cause, maaaring maglabas ang RTC ng mga hakbang para mapangalagaan ang mga asset habang dinidinig ang kaso. Binigyan naman ang bawat panig ng hanggang 30 araw para magharap ng ebidensiya.
Kapag napatunayang konektado sa ilegal na aktibidad ang mga ari-arian, maaari itong ideklarang forfeited pabor sa gobyerno.
Gayunman, pinoprotektahan pa rin ng rules ang karapatan ng mga inosenteng may-ari, good-faith buyers at secured creditors.
Nilinaw din ng SC na hiwalay ang civil forfeiture proceedings sa criminal cases kaugnay ng paglabag sa Anti-POGO Act.










