
Inatasan ng Supreme Court ang tatlong korporasyon na magkomento sa petisyong kumukuwestiyon sa mga utos ng Pasig court na pumipigil sa pagpapatupad ng ₱85 minimum wage increase sa Metro Manila.
Sampung araw ang ibinigay sa Readycon Trading and Construction Corporation, R-II Builders Inc. at Alliance of Philippine Fishing Federations Inc. para magsumite ng kanilang komento. Inatasan din ng SC na magkomento ang RTWPB-NCR at National Wages and Productivity Commission.
Isinampa ang petisyon ng KAMANGGAGAWA Party-list at iba pa matapos maglabas ang Pasig RTC ng temporary restraining order at kalaunan ay preliminary injunction laban sa wage hike, kasunod ng pag-post ng ₱10-bilyong bond.










