
Pinagpapaliwanag ng Supreme Court of the Philippines si Vicente “Tito” Sotto III kaugnay ng petisyong humihiling na siya ay ma-cite sa indirect contempt dahil sa umano’y mga pahayag na kumukuwestiyon sa naging desisyon ng Korte Suprema noong 2025 hinggil sa impeachment complaint laban kay Sara Duterte.
Sa resolusyong inilabas noong Abril 8 at isinapubliko nitong Mayo 4, binigyan si Sotto ng 10 araw upang magsumite ng kanyang sagot. Inihain ang petisyon ng ilang abogado at personalidad na nagsabing ang kanyang mga pahayag ay maaaring makasira sa tiwala ng publiko sa hudikatura.
Tinukoy ng mga petitioner ang naging desisyon ng Korte Suprema na nagbasura sa impeachment complaint dahil umano sa paglabag sa one-year rule at sa karapatan sa due process. Ayon sa kanila, lumampas sa “fair commentary” ang mga naging pahayag ni Sotto at maaaring makabawas sa dignidad ng Korte.
Depensa naman ni Sotto, isa lamang itong “nuisance suit” at publicity stunt. Aniya, ang pagpapahayag ng hindi pagsang-ayon sa desisyon ng korte ay bahagi ng malayang pananalita at hindi maituturing na contempt kung walang malinaw na paghadlang sa administrasyon ng hustisya.
Iginiit din niya na sa ilalim ng Rules of Court, ang indirect contempt ay nangangailangan ng aktong nakahahadlang o nakasisira sa proseso ng hustisya—isang bagay na aniya’y hindi niya ginawa.










